Naabot na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lalawigan ng Palawan upang maghatid ng tulong matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, mga saradong kalsada dahil sa mga natumbang puno at gumuhong lupa, gayundin ang mga sumadsad na barko ang tumambad sa kanila nang makarating sa isla.
Aniya, kabilang din sa mga na-wash out ng bagyo ang PCG station sa Kalayaan Island.
Kuwento pa ng tagapagsalita, itinago ang dalawang barko ng PCG noong kasagsagan ng bagyong at sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng relief at search and rescue operations sa lugar.
Sinusubukan na rin aniya nilang makipag-ugnayan iba pang ahensya ng gobyerno upang mapalakas ang pagpapaabot ng tulong sa iba pang lugar na tinamaan ng Bagyong Odette.
Samantala, siniguro ng commodore na magtutungo rin ang PCG sa Kalayaan Island, Dinagat, Siargao, at marami pang iba, upang makapagdala ng mga kaukulang tulong para sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo.
Katunayan ay halos tatlong barko na rin aniya ang inihahanda ng ahensya dahil sa patuloy na pagdating ng mga relief goods para sa mga nabiktima ng mapaminsalang bagyo.