-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi hinarang ng China Coast Guard vessels ang 2 barko ng bansa malapit sa Bajo de Masinloc (BDM).

Ito ay taliwas naman sa naunang report mula kay US maritime expert Ray Powell nitong Lunes.

Paliwanag ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela na nakatigil ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources dahil naghahatid sila ng fuel subsidies sa 26 na bangkang pangisda ng mga Pilipino sa naturang lugar.

Bagamat walang harassment na nangyari, namataan ng PCG ang muling paglalagay ng Chinese maritime militia ng floating barriers para harangin ang mga bangkang pangisda ng mga Pilipino mula sa pagpasok sa Bajo de Masinloc

Na-monitor ito sa kasagsagan ng isinagawang maritime domain awareness (MDA) flight malapit sa BDM, kung saan naispatan sa kasagsagan ng pagpapatroliya ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) warship at iba pang Chinese vessels.

Nakatuon ang misyon sa pagsubaybay sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagbibigay ng fuel subsidies at food packs sa mga bangkang pangisda sa Bajo de Masinloc.