-- Advertisements --

Dinipensahan ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang mga tauhan ng ahensiya matapos na makatanggap ng hindi magagandang komento sa social media dahil sa hindi pagganti sa water cannon attacks ng China Coast Guard.

Giit ng opisyal na hindi patas na tawaging duwag ng ilang Pilipino ang mga tauhan ng PCG dahil lang hindi gumanti ng water cannon ang panig ng PH.

Taliwas din sa mga komento laban sa PCG personnel, tinawag ni Comm. Tarriela ang mga miyembro ng PCG na matatapang sa pagsasapubliko ng tunay na nangyayari sa West Philippine Sea dahil kung duwag umano sila ay dapat itinigil na nila una pa lang ang paglalantad ng mga agresibong aksiyon ng China sa loob ng ating teritoryo.

Binigyang diin pa ng PCG official na sa kabila ng panganib at mga probokasyon mula sa China Coast Guard, patuloy pa rin araw-araw na nagpapatrolya ang coast guard kahit na alam nilang bobombahan sila ng water cannon, babanggain at nakasalalay ang kanilang buhay.

Kaugnay nito, umapela si Tarriela sa mga Pilipino na itigil ang pagsasabi ng duwag sa mga miyembro ng PCG.

Kinilala din ni Comm. Tarriela ang pagnanais na gumanti ngunit binigyang-diin pa rin nito ang pangangailangan ng pagpapahupa ng tensyon upang pigilan ang China na bigyang katwiran ang pagpapakalat nito ng karagdagang mga barko sa WPS.

Matatandaan na noong Abril 29, napinsala ang patrol vessel ng PCG kasunod ng panibagong panggigipit ng mga barko ng CCG na gumamit ng malalakas na jet stream water cannon habang nagpapatrolya at nagsasagawa ng supply mission para sa mga mangingisdang Pilipino na naroon sa Panatag shoal.