-- Advertisements --

Papaigtingin pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inspeksiyon sa dredging vessels sa Manila Bay.

Ito ay matapos madiskubre ang 13 illegal Chinese crew na walang mga kaukulang dokumento lulan ng dredging vessel na Harvest 89 sa Mariveles, Bataan noong Nobiyembre 26.

Sa isinagawang inspeksiyon, nadiskubre din ang isang uniporme na hawig sa People’s Liberation Army (PLA) na nagdulot ng pangamba sa intensiyon ng naturang mga Chinese national.

Kaugnay nito, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela sa isang pulong balitaan ngayong Sabado na inatasan na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng CG stations na nakakasaklaw sa Manila Bay na paigtingin ang pag-inspeksiyon sa mga dredger vessel para masigurong walang Chinese national na lulan ng naturang mga barko.

Bukod dito, makikipag-ugnayan din ang PCG sa Maritime Industry Authority (MARINA) at Bureau of Immigration para habulin ang mga may-ari at shipping agency at gumawa ng legal actions laban sa mga illegal aliens.