Patuloy ang ginagawang paghahanap ng BRP Suluan (MRRV-4406) ng Philippine Coast Guard(PGC) sa naunang napaulat na nawawalang Ukrainian ship captain mula pa noong unang linggo ng Hulyo.
Batay sa ulat ng PCG, huling namataan ang Ukrainian Captain ng MV Cape Bonavista sa katubigang sakop ng Lubang Islands, Occidental Mindoro noong July 6, 2024.
Siya ay nahagip noon ng isang CCTV na nasa loob ng naturang barko. Ang nakuhang video ay nahagip sa oras na alas-10:46 ng gabi noong July 6.
Kinabukasan ay hindi na makita kung nasaan ang kapitan.
Ipinadala naman ng PCG ang BRP Malapascua upang tumulong sa paghahanap at agad ginamit ng barko ang thermal scanner camera ng Remote-Controlled Weapon System (RCWS) nito. Nagpatuloy pa ang paghahanap ng barko sa naturang katubigan ngunit hindi pa rin natagpuan ang naturang kapitan.
Humingi na rin ang PCG ng tulong mula sa Philippine Navy para magamit ang Littoral Monitoring Station nito.
Matapos ang mahaba-habang paghahanap ng BRP Malapascua, bumalik ito sa kanyang istasyon para mag-refuel.
Ipinagpatuloy naman ng BRP Suluan (MRRV-4406) ang paghahanap sa nawawalang kapitan.
Ang MV Cape Bonavista ay patungo umano sa China mula sa Davao City nang mapansin ng mga tripulante nito na nawawala na ang dayuhang kapitan.