TACLOBAN CITY – Patuloy pang hinahanap ng mga otoridad ang ilang mga mangingisda sa Eastern Visayas na nananatiling missing matapos ang paghagupit ng bagyong Jolina sa rehiyon isang linggo na ang nakakaraan.
Ayon kay Senior Chief Petty Officer Rufino Abanto, Station Commander ng PCG Western Samar, sa ngayon ay dalawang mangingisda pa mula sa Tacloban ang nananatiling missing dahil sa nasabing bagyo.
Ang mga ito ay kinilala na sina Joseph Yano at Jhysrel Libutan samantala nakita naman kahapon sa Calbayog City ang bangkay ng mangingisdang si Carpio Labongray mula sa Catbalogan City sa Samar.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang search and retrieval operation ng mga otoridad.
Nabatid na aabot sa 23 mga mangingisda ang unang narescue ng Western Samar PCG noong nakaraang linggo at nadagdagan pa ito ng 18 kung saan tatlo sa mga ito ay wala nang buhay ng makita.