Patuloy sa kanilang search and rescue operations ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kasalukuyang nawawala pa ring mga tripulante ng lumubog na MV Hong Hai 16 sa karagatang sakop ng Rizal sa bahagi ng Occidental Mindoro.
Nauna na dito ay narekober na ang isang bangkay bandang 3:56pm ng hapon nitong Abril 19. Nakuha naman ang katawan ng biktima sa accomodation area ng lumubog na barko.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng biktima hanggat hindi pa naipapaalam sa pamilya nito ang kaniyang naging sinapit.
Samantala, patuloy naman sa kanilang paghahanap at pagkakasa ng operasyon ang PCG para sa natitira pang apat na nawawalang indibidwal sa kabila ng mga delikadong hampas ng alon at malalim na katubigan sa mga katubigang ito.
Determinado naman ang PCG na tapusin ang misyon sa kabila ng mga hamon na ito.
Tiniyak naman ng pamunuan ng PCG na patuloy ang kanilang gagawing mga updates para sa mga karagdagan pang mga impormasyon tungkol sa mga nawawala pang indibidwal.