Napigilan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang barkong nagtangkang magpasok ng malaking bulto ng iligal na droga sa Pilipinas.
Ayon sa PCG, ang naturang barko ay nasa labas pa ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas malapit sa Mindoro.
Ayon kay PCG commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, isinagawa ng dalawang ahensiya ang operasyon sa gitna ng masungit na panahon.
Gamit ang mga maritime assets ng PCG, nagawa nilang pigilan ang barko na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas at maitaboy ito palayo sa bansa.
Pinaniniwalaang naglalaman ang naturang barko ng hanggang limag tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P34 billion. Ito ay batay na rin sa intelligence report na hawak ng PDEA.
Sinabi ni PDEA spokesman Joseph Frederick Calulut na batay sa kanilang intel report, papasok sana ang barko sa Pilipinas kung hindi ito napigilan ng mga otoridad.
Sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ng PCG ang pagkakakilanlan ng barko at kung saan ito nagmula.