Pinabulaanan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang panibagong alegasyon ng China laban sa Pilipinas na plano umano nito na gawing forward base ang Escoda shoal sa West Philippine Sea.
Ginawa ng China ang naturang claim matapos ang napaulat na mapanganib na maniobra ng kanilang mga barko na nagresulta sa pagbangga ng mga ito sa 2 barko ng PCG na BRP Cape Engaño at BRP Bagacay malapit sa Escoda shoal.
Paliwanag ni Comm. Tarriela, nagsagawa lamang ang naturang PCG vessels ng routine at resupply operation para magdala ng essential supplies para sa kanilang mga tauhan na naka-istasyon sa Patag at Lawak islands nitong Lunes nang komprontahin at banggain sila ng CCG vessels malapit sa Escoda shoal.
Kayat hindi aniya intensiyon ng PCG vessels na ipatupad o totohanin ang prediksiyon ng China na pagpapalakas ng ating presensiya sa Escoda shoal bilang forward base.
Saad pa ng PCG official na maraming araw ang nakakalipas, nagpo-protesta ang China sa pananatili ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal. Tinawag pa ng China ang barko bilang ‘semi aground’. Sinasabi din aniya ng China na gagamitin umano ang BRP Teresa Magbanua bilang deployment base para sa gobyerno ng PH.
Samantala, tumigil naman aniya ang CCG vessels sa pagsasagawa ng shadowing sa mga barko ng PCG matapos makarating ang mga ito sa kanilang destinasyon sa Lawak at Patag islands.
Aniya, inakala siguro ng China Coast Guard na direktang patungo ang mga PCG vessel sa Escoda shoal kayat nagsagawa ng napakaraming mapanganib na maniobra ang mga barko ng CCG at Chinese maritime militia vessels para mapigilan ang mga barko ng PH na makarating sa Escoda shoal.