Binigyang diin ng Philippine Coast Guard (PCG) na may option ang national government na magdagdag ng mas marami at mas malalaking PCG vessels na mag-escort ng mga bangka sa panahon ng resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang ahensya ay nakatuon sa pagbibigay ng mas marami at mas malalaking sasakyang pandagat.
Gayunpaman, sinabi niya na ang usapin ay nangangailangan ng clearance mula sa National Task Force (NTF) West Ph Sea.
Aniya, nangako rin si PCG commandant Admiral Artemio Abu na magdagdag ng higit pang mga sasakyang-pandagat at mag-deploy ng mas malaking vessels.
Sinabi ni Tarriela na ang PCG ay mayroong 97-meter vessel na BRP Melchora Aquino at BRP Teresa Magbanua, gayundin ang 83-meter vessel na BRP Gabriela Silang.
Ginawa ng PCG ang pahayag kasunod ng insidente noong Agosto 5 malapit sa Ayungin Shoal kung saan ang mga sasakyang pandagat ng China ay gumawa ng mga mapanganib na maniobra at nagpabuga ng mga water cannon laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sinamahan ng 44-meter vessel ng PCG na BRP Malabrigo at BRP Cabra ang dalawang resupply boat na kinilala bilang red hull at green hull patungo sa Ayungin Shoal.
Dahil sa mga aksyon ng China, nabigo ang barko ng Pilipinas na magdala ng pagkain, tubig, , at iba pang suplay sa mga tropang militar na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.