Dahil sa banta ng Tropical Depression Kabayan, ipinagbawal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Eastern Samar at Southern Leyte ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat lalo na ang mga mas mababa sa 250 gross tonnages.
Kabilang din sa mga apektado ay ang mga bangkang pangisda.
Hiniling din ng Office of Civil Defense (OCD) sa lahat ng local government units sa Eastern Visayas na i-activate ang kani-kanilang disaster units at imonitor ang lagay ng panahon sa kanilang nasasakupan.
Una na ngang kinansela ang mga biyahe sa dagat nitong linggo sa Ormoc City, at Hilongos, na parehong nasa Leyte, papuntang Cebu.
Ang pagpapatuloy ng mga operasyon ng mga sasakyang pandagat na bumibiyahe mula at papunta sa mga nasabing lalawigan ay papayagan lamang kapag bumuti na ang lagay ng panahon. – EVERLY RICO