KALIBO, Aklan—Pinawi ng Philippine Coast Guard Boracay sub-station ang pangamba ng publiko, mga turista at maging ng mga bakasyunista ukol sa bumisitang buwaya na nagpalangoy-langoy sa baybayin na sakop ng Sitio Sinagpa, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Kasunod ito sa matagumpay na paglambat sa hayop sa pakikipagtulungan ng mga mangingisda; lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan; life guard; mga residente at maraming iba pa.
Ayon kay Coast Guard Petty Officer 2nd Class Arnaldo M. Salvador, Commander Coast Guard substation Boracay na posibleng dulot ng masamang panahon ng nakaraang bagyong Carina at pananalasa ng Hanging Habagat kung kaya’t sa kauna-unahang pagkakataon ay may napadpad na buwaya sa isla na unang napansin ng mga residente sa layong 50 meters mula sa shoreline na may habang 10 feet, lapad na 1 feet at tinatayang may bigat na humigit-kumulang 50 kilos.
Nahuli ang nasabing buwaya kasunod ng panghihina nito dulot ng pagod at gutom dahil na rin ng malakas na paghampas ng alon epekto ng Hanging Habagat.
Sa kasalukuyan, ang buwaya ay nasa pangangalaga ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Barangay Napaan, Malay, Aklan.