Plano ng Philippine Coast Guard (PCG) na magsagawa na ng operasyon para sa tuluyang pagpapalutang sa sumadsad na MT Jason Bradley.
Kapag napalutang, tuluyan ding dadalhin sa pampang ang naturang barko sa susunod na linggo.
Ayon kay PCG Bataan station commander Lt. Commander Michael John Encina, ang mga diver mula sa FES Challenger Salvour and Builders ay naatasang maglagay ng mga tubo ngayong araw at susubukang sipsipin ang mga tubig-alat na posibleng pumasok sa barko.
Ang operasyon aniya ay dedepende rin sa magandang lagay ng panahon at kung may mga butas sa naturang barko.
Unang sumadsad ang naturang motor tanker sa baybaying sakop ng Mariveles, Bataan noong July 27, 2024, kasunod ng malawakang pagbaha, malalakas na daluyong, at pag-ulan na naranasan ng bansa. Lumubog ito sa lalim na 9 meters at tuluyang sumadsad sa seabed. Mula noon ay nanatili na ito sa naturang posisyon, 600 yarda ang layo mula sa pampang.