BACOLOD CITY – Inabisuhan ng pinuno ng Philippine Coast Guard Headquarters Support Group ang mga local government unit na mag-invest sa mga rubber boats na ginagamit sa pagrescue kung sakaling may mangyaring pagbaha o emerhensya kagaya ng sitwasyon sa ngayon ng ilang mga lugar sa Luzon dulot ng Typhoon Ulysses.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Captain Ramil Palabrica, patuloy pa ang kanilang rescue operations sa lungsod ng Marikina at probinsya ng Rizal na siyang naapektuhan ng pagbaha.
Ayon kay Palabrica, sinisigurado ng PCG rescue team na ligtas na maihahatid sa mga evacuation centers ang mga residente lalo na ang mga matatanda at mga bata.
Ayon sa kanya, ala 1:00 kahapon ng hapon ng pumunta sa area ang grupo dala ang mga rubber boats at karamihan sa kanilang mga narescue ang nasa itaas ng bubong dahil lagpas tao na ang tubig.
Ayon sa pinuno, mas higit pa sa Bagyong Ondoy ang pagbaha ng dinulot ng Typhoon Ulysses dahil umabot sa 21.5 ang water level sa Marikina River.
Maliban sa Marikina at Rizal, may mga nirescue rin sila sa Batangas, Bicol, Navotas at Cavite.
Dahil sa nangyaring pagbaha, inabisuhan ni Palabrica ang mga LGU na bumili ng mga rubber boats bilang preparasyon sa mga kagayang insidente dahil muntik na silang maubusan ng equipments.
Ayon sa kanya, mabuti na lang at mayroon silang bagong mga rubber boats para sana sa food delivery at kahit hindi pa na-inagurahan ang mga ito, nagrequest silang gamitin ang mga bangka dahil sa emerhensya.
Inaasahan naman ng pinuno na unti-unti nang bababa ang tubig habang patuloy na humihina ang bagyo.