ILOILO CITY – Nanawagan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na huwag pairalin ang emosyon hinggil sa pagkakabangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vice Admiral Joel Garcia, Deputy Commandant for Administration ng PCG at director ng National Coast Watch Center, sinabi nito na hindi dapat “emotionality” ang mangibabaw kundi ang “rationality.”
Ayon kay Garcia, nararapat na pakinggan ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu upang maiwasan ang paglabas ng maling impormasyon.
May tamang proseso aniya na dapat sundin upang mapanagot ang mga may kasalanan kung saan nararapat na dumulog sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Pinaalalahanan din ni Garcia ang publiko na huwag magbitaw ng anumang komento sa Recto Bank incident kung hindi rin naman makakatulong.
Maliban dito, sinisi rin ng PCG official ang media na siya umanong nagpapalala sa isyu.