Naghabla ng reklamo ang Philippine Coast Guard laban sa 7 Chinese crew ng isang international cargo vessels nakadaong sa Zambales noong Mayo 14 dahil sa paglabag sa PH Immigration Law.
Nakakustodiya ngayon ang naturang mga Chinese crew sa bayan ng San Felipe, Zambales dahil sa hindi awtorisadong pagpasok ng kanilang barko na Sierra Leone-registered Hyperline 988 sa karagatan ng San Felipe, may bandila ng PH kahit na ito ay isang foreign-registered ship at sadyang pagbalewala sa inisyung radio challenges nang walang makatwirang dahilan.
Inihain ng PCG ang naturang reklamo sa provincial prosecutor ng Zambales noong Mayo 24.
Nakasaad pa sa reklamo na inamin ng shipmaster na ang kanilang port of destination ay sa Manila subalit dahil sa mataas na anchorage fees, nagpasya silang pumunta sa San Felipe, Zambales at malinaw na indikasyon na nais nilang iwasan ang legal na obligasyon sa Pilipinas.
Nakaangkla ang naturang barko malapit sa hindi natapos na pantalan sa bayan ng San Felipe habang ito ay nasa kustodiya ng PCG.
Nakatakda namang tanggalin ang barko mula sa San Felipe at hatakin papuntang Navotas City ngayong Lunes.