-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nakipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard Southern Mindanao District sa Embahada ng Indonesia para ipaalam ang tungkol sa mga kasong kinakaharap ng dalawang Indonesian nationals na nahuli sa Philippine Coast Guard Sub-District na nakabase sa Maasim Sarangani Province na nagpupuslit ng sigarilyo.

Ito ang naging pahayag ni Coastguard Commander Michelle Ursabia, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard Southern Mindanao District na hindi pa nila ma-turnover ang dalawang banyaga sa Bureau of Immigration dahil kailangan pa nilang harapin ang kasong kriminal na kanilang inihahain.

Maliban dito, nakikipag-ugnayan din sila sa Embahada ng Indonesia para mabigyan sila ng interpreter habang ginagawa nila ang imbestigasyon dahil hirap ang mga ito sa wikang Ingles maging sa mga local dialect sa Mindanao.

Kinilala ang dalawa na sina Fadli Machmud, may asawa, 42 taong gulang at Fajar Antanari, may asawa, 42 taong gulang, kapwa residente ng Tinakaring, Indonesia, na kasalukuyang nakakulong sa Maasim Municipal Police Station.

Sakay ng fishing boat na may kargang 20 kahon ng smuggled na sigarilyo ang dalawa na tinatayang nasa P600,000 ang halaga.