Nanindigan si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nag-alok ng tulong ang China Coast Guard (CCG) sa pamamagitan ng radio message para sa mga nasugatang mangingisdang Pilipino matapos sumabog ang makina ng kanilang bangka habang namamalaot sa Bajo de Masinloc.
Ginawa ni Balilo ang pahayag matapos naglabas ng salungat na detalye si PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na hindi tinulungan ng mga Chinese ang mga nasugatang Pilipino.
Pero paliwanag ni Balilo na pinagbasehan niya ang ulat ng kapitan ng BRP Sindangan kung saan nag-alok ng tulong ang China sa kasagsagan ng radio conversation pero tumanggi umano ang mga mangingisda at hindi nila pinansin dahil takot sila at sinabihan sila ng kanilang sister ship na parating na ang PCG para tulungan sila.
Naglunsad din umano ang CCG ng dalawang rigid hull inflatable boats (RHIBs) at nag-alok ng tulong sa walong mangingisdang lulan ng FFB Akio.
Sa inisyal din na ulat mula sa kapitan ng BRP Sindangan, nakasaad na sinundan ng PLA 572 at CCG 3105 ang BRP Sindangan at sinubukang harangan, kahit pa ipinarating na sa Chinese na tumutugon sila sa isang emergency situation.
Naglabas pa ng babala ang CCG 3105 na aarestuhin nila ang lahat ng mangingisda kung hindi makikipagtulungan subalit kalaunan pinayagan silang lumapit sa sumabog na bangka para tulungan ang mga nasugatang mangingisdang Pilipino.
Una rito, sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Comm. Tarriela na nag-deploy ang CCG ng dalawang Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) hindi para tulungan ang PCG, ngunit para hadlangan ang kanilang pagsisikap na iligtas ang dalawang nasugatan na mangingisdang Pilipino.
Una na ring itinanggi ng mga sugatang mangingisdang Pinoy na sinagip sila ng mga Chinese.