Isinalaysay ni Philippine Coast Guard spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela ang pinagdaanan ng mga lulang Coast Guard personnel ng BRP Teresa Magbanua sa halos 5 buwang pagbabantay sa Escoda shoal sa West Philippine Sea.
Sa isang press conference ngayong araw, sinabi ni Commodore Tarriela na mula ng dumating sa Escoda shoal ang BRP Teresa noong Abril hanggang Hulyo nakapagsagawa pa ng resupply mission sa mga CG personnel subalit mula noong Agosto ng kasalukuyang taon nang magsimulang maging mas agresibo ang China, dito na nagkaroon ng problema sa suplay ang mga lulang crew ng PCG vessel.
Matatandaan nga na noong Agosto 31 nang intensiyonal na binangga ng tatlong beses ng China Coast Guard vessel ang BRP Teresa Magbanua na nagresulta ng mga pinsala sa barko.
Inihayag pa ni Comm. Tarriela na 3 mula sa 4 na personnel ang na-diagnose ng dehydration at kawalan ng masustansiyang pagkain.
Paliwanag ng opisyal na bagamat mayroong desalinator machine ang BRP Teresa dahil ito ay isang modern vessel, kinailangan aniyang magkaroon ng brand new filters para ma-convert ang tubig mula sa dagat sa potable water pero dahil sa matagal itong ginamit dahil sa tagal na rin ng pamamalagi ng barko sa lugar, hindi na aniya fresh water ang napro-produce ng naturang machine. Dumating pa aniya sa punto na tubig ulan ang kanilang iniinom at tubig mula sa air conditioning at ilang linggo ding lugaw lang ang kanilang kinakain.
Una rito, inilikas ang 3 personnel mula sa 63-strong crew ng BRP Teresa Magbanua na nakaranas ng dehydration nang naka-stretcher at dinala sa ospital nang dumating ang barko nitong linggo sa homeport nito sa Puerto Princesa, Palawan.