-- Advertisements --

Ipinahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela nitong Miyerkules na magkaibigan na sila ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta matapos ang isang mainit na diskusyon tungkol sa kontrobersyal na pahayag ng mambabatas ukol sa West Philippine Sea (WPS).

Nagsimula ang hindi pagkakaintindihan sa isang pagdinig sa Kamara noong Martes hinggil sa online disinformation, kung saan tinanong ni Marcoleta ang mga pahayag ni Tarriela tunkol sa pagtawag nito sa kaniya na siya ay “traydor.”

Na agad namang itinanggi ng tagapagsalita ng PCG.

Pinilit si Tarriela na ipaliwanag kung bakit hindi niya agad itinama ang maling impormasyon. Ayon sa kanya, matapos lamang ng interview ni Marcoleta noong Pebrero 10, kung saan tinawag siyang “ignorante,” nang malaman niya ang tungkol dito.

‘The only time I learned about that was when I heard your interview calling me g*g* and mangmang,’ sagot ni Tarriela.

Gayunpaman, pagkatapos ng mainit na bangayan ay ibinahagi ni Tarriela na lumapit sa kanya si Marcoleta at nakipag kamay umano ito.

Ayon pa kay Tarriela, sinabi ni Marcoleta na ‘Nothing personal.’ at tumugon naman umano si Tarriela na, ‘At least na-klaro natin, sir, na hindi ko talaga kayo tinawag na traydor. Okay naman yung naging usapan namin.’

Ipinahayag pa ni Tarriela na “close” na sila ni Marcoleta.

‘Good morning, Congressman Marcoleta, sir. Nothing personal, as you said. Magkaibigan na kami,’ saad ni Tarriela.

Nang tanungin naman kung natapos ba ang kanilang hindi pagkakasunduan hinggil sa pagiging lehitimo ng West Philippine Sea, sinabi lang ni Tarriela na ang mga pahayag ni Marcoleta ay nagpapakita ng pagkilala sa mga teritorial claimes ng Pilipinas.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa sa isyung ito at sinabi na isang malaking hamon kung maghati-hati ang bansa sa harap ng mga patuloy na pag-aangkin ng China sa bahagi ng WPS.