Matapang na pinuna ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, na kamakailan ay nagmungkahi na ang West Philippine Sea (WPS) ay isang “kathang-isip” lamang kaya’t sagot nang PCG na ang pahayag na ito ni Marcoleta ay isang “disservice” at isang “kahihiyan,” lalo na para sa partido ni Marcoleta.
Sa isang post sa X (dating Twitter) noong Martes, Pebrero 4, muling pinagtibay ni Tarriela ang posisyon ng pamahalaan ukol sa WPS, na binanggit ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsasabing:
‘I stand by the statement of President (Ferdinand Marcos Jr.) when he said, ‘Ang West Philippine Sea ay hindi kathang isip natin lamang. Ito ay atin. Ito ay mananatiling atin hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating minamahal na bansang Pilipinas,’ ayon kay Tarriela.
Pinuna pa ni Tarriela ang mga pahayag ng mambabatas tungkol sa pagtawag sa WPS bilang peke, at sinabing ang ganitong uri ng pahayag ay nagpapahina sa soberanya ng bansa.
‘Hearing someone claim that the ‘West Philippine Sea’ is merely a fabrication of the Philippine government is a disservice and an embarrassment to their entire party, the organization they belong to, and even their own family,’ pahayag nito sa sinabi ni Marcoleta.
Tinutukan din ni Tarriela ang epekto ng ganitong pahayag sa mga kabataan, at tinanong kung paano nila ito ipapaliwanag sa mga susunod na henerasyon.
‘How can one face the younger generations today and tell them that our Exclusive Economic Zone to the west of our archipelago is nonexistent, effectively giving up the fight to assert their rights as Filipinos in the West Philippine Sea?’ dagdag ni Tarriela.
Ang mga pahayag ni Marcoleta ay ginawa sa House Tripartite Committee hearing tungkol sa fake news at disinformation, kung saan inakusahan niya ang WPS bilang isang imbensyon lamang ng gobyerno.
‘There is nothing as West Philippine Sea. Wala po ’yun. That is a creation by us. Sa totoo lang po, kahit na basahin mo ’yung ating mapa or what, there is no West Philippine Sea,’ pahayag ni Marcoleta sa pagdinig.
Aminado si Marcoleta na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang tinutukoy na WPS, ngunit iginiit niyang hindi naipaliwanag ng maayos ang mga komplikasyon ng isyu sa publiko, kaya’t nagiging mahina ang bansa laban sa mga banyagang nangaangkin.
‘The complications of the West Philippine Sea not been explained to our people, kaya po nagiging vulnerable tayong lahat, eh,’ paliwanag ni Marcoleta.
Iniuugnay din ni Marcoleta ang kalituhan ng publiko tungkol sa mga aktibidad ng China sa rehiyon, kabilang ang okupasyon ng mga pinag-aagawang teritoryo, sa maling impormasyon.
Nanawagan siya ng mas maraming pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, gaya ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), upang turuan ang mga Pilipino tungkol sa mga teritoryal na pag-angkin ng bansa.
‘If CICC and other agencies would cooperate with one another to empower our people to educate them all, wala pong made-deceive kahit ano pang gawin ng China,’ sabi ni Marcoleta.