Suportado ng Philippine Coast Guard ang mga panawagang patalsikin ang sinumang opisyal na lumabag sa batas ng Republika ng Pilipinas.
May kaugnayan pa rin ito sa kamakailan lang na ipinahayag nina Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at National Security Council Secretary Eduardo Ano na dapat ay mapanagot at mapatalsik ang sinumang Chinese diplomats na sangkot sa wiretapping issue hinggil sa new model agreement na pinalutang ng China sa Ayungin shoal.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela, kaisa siya sa naging rekomendasyon at panawagan nina Sec. Teodoro at Sec. Ano hinggil sa nasabing isyu.
Aniya, sakaling mapatunayan man na mayroong opisyal na lumabag at hindi rumestpeto sa batas ng Republika ng Pilipinas ay nararapat lamang itong mapatawan ng kaukulang kaparusahan.
Matatandaan na ang ugat ng nasabing isyu ay ang pagpapalutang ng China sa new model agreement sa pagitan ng Chinese diplomat at isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines na may kaugnayan sa mga usapin ng Ayungin shoal.
Una nang sinabi ng Chinese Embassy in Manila na mayroon silang pinanghahawakan na transcript at recording ng phone call conversation ng mga opisyal na sangkot dito, bagay na iligal at malaking paglabag sa Anti-wire tapping Law ng Republika ng Pilipinas ayon kay Defense Sec. Teodoro.