Target ipatupad ng Philippine Coast Guard ang revised pre-departure inspection (PDI) regulations sa Oktubre.
Ito ang inihayag ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa kaniyang pagharap sa Senate finance subcommittee’s briefing kaugnay sa panukalang P180.89-billion na pondo ng Department of Transportation (DOTr) at attached agencies nito at corporations para sa susunod na taon.
Tinanong kasi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Gavan kung may papel ang PCG para mapigilan ang mga insidente tulad ng kaso nina dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Base kasi sa naging rebelasyon ni Guo sa pagdinig sa Senado noong Lunes na nakalabas sila ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalipat-lipat sa 3 bangka kung saan 1 sa kanilang sinakyan ay yate.
Ipinaliwanag naman ng PCG chief na sa ilalim ng existing memorandum circular on pre-departure inspection (PDI), ang mga sasakyang pandagat na non-common carriers gaya ng yate ay hindi kasama sa PDI at ito aniya ang dahilan kung bakit rerebisahin ang circular upang magkaroon ng awtoridad ang Coast Guard sa pagpapatupad ng naturang inspeksiyon.
Kayat sa naturang revised guidelines, isasama na aniya ang non-common carriers sa pag-implementa ng pre-departure inspection.
Sinabi din ni Gavan sa Senador na may legal na basehan na ang PCG sa pagrepaso ng naturang guidelines at hindi na kailangan ng bagong batas para ipatupad ito.
Saad pa ng PCG chief na makikipag-ugnayan sila sa Maritime Industry Authority (Marina) para makabuo ng mas mahusay na regulasyon para masaklaw ang naturang usapin.