Target ng Philippine Coast Guard na magkaroon ng regular na maritime exercises ang US at Japan Coast Guard sa karagatang sakop ng Pilipinas at madalas na bumisita sa bansa.
Ito ay para maipakita ang kanilang commitment bilang mga kaalyado na tutulong sa pagpapanatili ng malaya at ligtas na West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, kabilang ang US at Japan Coast Guard sa unang nagpatibay ng kanilang pagtalima sa pagpapanatili sa regional waters na ligtas mula sa pagharap sa umiigting pang pagiging agresibo ng China sa paggiit ng claims nito sa halos buong disputed waters.
Ginawa ng PCG, US Coast Guard at Japan Coast Guard ang pagpapahayag ng kanilang commitment sa 21st Shangri-La Dialogue defense summit na ginanap sa Singapore mula Mayo 31 hanggang Hunyo 2.
Idinaos ang naturang security conference laban sa pagpapatupad ng China ng fishing ban sa pinagaagawang karagtan hanggang sa Setyembre 16 ng kasalukuyang taon.
Gayundin ang direktiba ng China na nag-aatas sa kanilang coast guard na ikulong ang mga dayuhang trespasser sa kanilang inaangking karagatan sa loob ng 60 araw nang walang paglilitis.
Samantala, hinimok naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang USCG at JCG na bumalangkas ng mga bagong paraan para matugunan ang umuusbong na bagong mga banta sa high seas kabilang ang restriksiyon ng China sa paglalayag ng mga banyagang barko sa kanilang self-declared boundaries.