-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang patuloy na maigting na pagmamanman sa mga aktibidad ng barko ng China Coast Guard (CCG) na nasa karagatan ng Zambales para matiyak na patuloy na makakapangisda at patuloy sa kanilang kabuhayan ang mga mangingisda doon.

Sa ibinahaging update ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong gabi ng Biyernes, Enero 10, nananatiling naka-deploy ang barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua sa bisinidad kung nasaan ang Chinese Coast Guard vessel 3304 na iligal na naglalayag sa tinatayang 70-80 nautical miles sa baybayin ng Zambales.

Ang hindi natitinag aniya na presensiya ng barko ng PH ay salig sa standing policy direction ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layuning mapigilan aang normalisasyon at legalisasyon ng illegal actions ng CCG na maaaring humantong sa paggiit nito ng kontrol sa nasabing karagatan.

Kaugnay nito, ang patuloy na pagbabantay ng BRP Teresa Magbanua sa naturang karagatan ay nagsisilbing isang proaktibong hakbang para matiyak na naisasagawa ng mga mangingisdang Pilipino ang kanilang mga aktibidad nang walang banta ng panghaharass o pananakot.

Gayundin ang deployment ng BRP Teresa ay pagpapakita ng commitment sa pagsubaybay at pananatili ng presensiya nito para mapigilan ang mga iligal na aktibidad ng CCG kaakibat ng pagtalima sa mga prinsipyo ng pagpipigil at walang probokasyon.