Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na kanilang poprotektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa gitna ng bantang pag-aresto at pagkulong ng China Coast Guard sa mga dayuhang trespassers sa disputed waters.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nagsama-sama ang PCG, Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para maprotektahan ang kababayan nating mangingisda.
Ipinarating na rin ng PCG ang kautusan sa mga personnel nito kaugnay sa mga hakbang na dapat gawin sakaling ituloy ng China ang pag-aresto sa mga mangingisdang Pilipino.
Ayon pa sa PCG commandant, nag-isyu ito ng direktiba sa mga apektadong PCG districts na makipag-ugnayan sa mga organisasyon ng mga mangingisda sa kanilang lugar.
Dapat din aniyang bantayan ng PCG districts ang galaw ng mga mangingisda at dapat magkaroon din ng arrangements ang mga mangingisda sa Coast Guards kapag sila ay papalaot upang malaman kung saan sila pupunta at kung sakaling i-harass sila ng CCG.