-- Advertisements --
WPS3

Tinanggihan ng Philippine Coast Guard ang alok sa kanila ng mga lokal na mangingisda sa Bajo de Masinloc pahinggil sa pagsasagawa ng documentation para sa kanila kapalit ng mga gear o kagamitan bilang proteksyon para sa kanilang kaligtasan.

Ito ang inihayag ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea CG Jay Tarriela, kasunod ng alok ng grupong Bigkis ng Mangingisda Federation na tumulong sa pagmomonitor sa West Philippine Sea partikular na sa mga agresibong aksyon at ilegal na aktibidad ng China sa naturang teritoryong nasasakupan ng ating bansa.

Giit kasi ng naturang grupo, walang kakayahan ang PCG at Philippine Navy na regular na magpatrolya sa buong West Philippine Sea at ang mga mangingisda anila na nasa naturang lugar na ang pinakamagandang source upang malaman kung ano talaga ang nangyayari doon.

Ngunit gayunpaman ay sinabi ni CG Jay Tarriela na hindi papayagan ng pamahalaan ang alok na ito ng mga lokal na mangingisda sapagkat hindi aniya nila gugustuhin na manganib ang kanilang kaligtasan.

“We appreciate that kind of patriotic volunteerism ng ating mga mangingisda, but as far as the national government is concerned we also don’t want to jeopardize their safety. So, I think the national government wouldn’t do that at kung kakayanin pa rin naman ng mga tao natin na tayo mismo ang mag-document niyan at hindi natin idadamay ang mga inosenteng mangingisda then why can’t we?” saad ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea CG Jay Tarriela.

Samantala, bagama’t aminado ang coast guard na wala ngang kakayahan ang ating bansa na bantayan 24/7 ang ating maritime regime ay magdagdag pa rin ng presensya ang Pilipinas hindi lamang sa Bajo de Masinloc kundi maging sa ibang bahagi na rin ng West Philippine Sea.

“Although we’re not going to be constantly present there [West Philippine Sea], we don’t have enough resources to be able to 24/7 ensure the safety and security of the Filipino fishermen but we are going to increase more presence but not constant.”

Kung maaalala, una nang sinabi ng PCG na ang pagsisiwalat na ito ng Pilipinas sa mga ilegal na aksyon ng China ay magpapalakas pa sa ating bansa na ipaglaban ang ating soberanya sa West Philippine Sea.

Kasabay nito ay tiniyak din ng pamahalaan na magpapatuloy ang kanilang gagawing pagbabantay sa teritoryong ng ating bansa sa abot ng kanilang makakaya upang depensahan ang ating karapatan.