Hindi nakatanggap ng distress call ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa insidente sa Rector Bank kung saan binangga ng Chinese vessel ang barkong pangisda ng Pinoy.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Armand Balilo, wala silang natanggap na distress call mula sa nasabing insidente, nalaman na lamang ito sa ginawa nilang koordinasyon sa Task Force West on the West Philippine Sea at sa report mula sa mga kaanak ng mga mangingisda.
Binigyang-diin naman ni Balilo na kapag nakatanggap sila ng distress call agad naman silang rumisponde.
Nasa 22 mangingisda ang iniwang palutang lutang sa laot matapos banggain ang kanilang sinasakyang F/B Gem-Ver 1.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamahalaan sa ginawang pag rescue ng Vietnamese vessel sa mga Pilipinong mangingisda.
Nagsampa na rin ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China.
Aminado naman si Balilo na dahil sa napakalaki ng coastline napakahirap bantayan ito.
Pero tiniyak nito na nagagampanan ng Philippine Coast Guard ang kanilang mandato ito ay isecure ang karagatan na bahagi ng teritoryo ng bansa.
Sa ngayon nasa 10 ang barko ng Coast Guard kung saan ilan dito ay mula pa sa Japan at France na siyang ginagamit sa pagpapatrulya sa karagatan.