Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagsisimula ng clinical trials para sa medicinal plant na Lagundi bilang treatment sa mga pasyente ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, ang executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), naaprubahan na ng ethics review board at Food and Drug Administration (FDA) ang clinical trials ng halamang gamot.
“Nakapag-screen na sila ng higit 150 pasyente, out of which mga 37 ang nag-qualify. Nagsisimula na yung kanilang paglahok,” ani Montoya sa Laging Handa public briefing.
Target daw ng ahensya na gawing “adjunct medicine” ang Lagundi, o dagdag na supplement para sa mga mild at asymptomatic cases para hindi umabot sa severe at critical ang kanilang estado.
Bukod sa Lagundi, lumalakad na ang hiwalay na trials ng virgin coconut oil bilang agent din sa pagkain ng COVID-19 patients.
Noong Mayo nagsimula ang VCO trials para sa suspect at probable cases sa Laguna, at nakatakda namang simulan ang hiwalay pang trials para sa mga naka-admit na pasyente ng coronavirus sa Philippine General Hospital.
“Marami-raming pasyente na rin ang napasama. About two-thirds of the target sample has been already achieved. Yung mga nasa ospital na COVID-19 (patients) magsisimula pa lang sa PGH.”
DOST-PCHRD said its funded study on virgin coconut oil (VCO) as antiviral agent vs COVID-19 showed a decrease in coronavirus count by 60 to 90% at low viral load. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/Y1mDYJj1O3
— Christian Yosores (@chrisyosores) October 6, 2020
Samantala, hinihintay pa ng DOST-PCHRD ang approval para rin sa clinical trial ng halamang gamot na Tawa-Tawa.
“Mayroon pang mga review na ongoing ang ethics board bago sila magsimula. Pero tingin namin magsisimula na ito by next week basta na-issue yung review ng ethics board.”