-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Bukas ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na makipagtulungan sa isasagawang Senate investigation sa troll farms.

Ayon kay PCOO USec. Joel Sy Egco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hangad lamang nila ang patas na imbestigasyon upang mabigyang linaw ang naturang isyu lalo pa at maging ang ahensya ay nabibiktima rin ng fake news.

Iginiit rin ng opisyal na walang katotohanan ang mga kumakalat na agam-agam na ang mga na-hire na social media specialists ng PCOO ang nagsisilbing trolls dahil lehitimo aniya ang trabaho ng mga ito.

Dagdag pa ni Egco na hindi magsasayang ng government fund ang ahensya upang magbayad sa mga troll.

Aniya, maging ang Malacañang ay ayaw sa mga fake news at mga propaganda kaya nais rin nito na mapanagot ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga
maling impormasyon.

Samantala, sinabi ng opisyal na sa pakikipag-pulong sa isang social media giant ay aminado ito na hirap silang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling mga impormasyon dahil sa ilang account na tila lehitimo habang may mga legitimate account naman na tila nagiging troll.

Umaasa ang opisyal na sa pamamagitan ng naturang pagsisiyasat ay mabibigyang linaw na ang naturang suliranin.