-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ngayon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang publiko na labanan ang naglipana na mga disinformation news articles kaugnay sa nalalapit na halalan sa bansa sa Mayo 13.

Ito ay matapos kumalat sa social media ang mga impormasyon na sumesentro sa paninira sa mga kandidato upang hindi makahatak ng suporta mula sa mga botante.

Ginawa ni PCOO Secretary Martin Andanar ang apela kaugnay nang paglilibot nila sa mga syudad sa buong bansa upang labanan ang nasa likod ng fake news na ibinato rin ng mga kritiko ng gobyerno upang ipahiya ang liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Andanar na kung hindi sigurado ang social media netizens sa mga natanggap na mga impormasyon, kailangang maingat ang mga ito upang makaiwas na malagay sa alanganin dahil peke at panggugulo lamang ang pakay nito.

Humingi rin ng tulong si Andanar sa media upang mapaabot ang mensahe ng gobyerno para mawawalan ng puwersa ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng maling balita.