LEGAZPI CITY – Binuweltahan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam si Senator Leile de Lima sa hamon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin ito sa kanyang posisyon.
Hinikayat ni De Lima si Pangulong Duterte na alisin sa pwesto si Cam upang masimulan na ang imbestigasyon sa umano’y higit P500 million na undeclared properties na sinasabing pagmamay-ari ng PCSO official batay na rin sa reklamo ng isang Lino Espinosa Lim Jr. na inihain sa Ombudsman.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Sandra Cam na mismong siya na ang sumulat kay Pangulong Duterte kasabay ng paghahayag na handa ito sa imbestigasyon.
Hindi na rin umano dapat na makisawsaw ang senador sa isyu, imbes pagtuunan ng pansin ang mga kinakaharap na drug charges.
Aniya, posibleng wala rin magawa sa kulungan si De Lima kaya’t nakikialam sa isyu.
Matatandaang isa si Cam sa mga tumestigo laban sa senador sa umano’y kaugnayan nito sa illegal drug trade.
Samantala, giit ni Cam na nasa posisyon siya sa pagsisilbi sa mga mahihirap na kababayan at hindi upang magkamal ng salapi ng pamahalaan.
“I’m ready for any investigation. Jailed Senator Leila de Lima, don’t make sawsaw here. You better focus on your drug cases. ‘Wag mo akong susubukan. Hindi tatayo ang balahibo ko sa ‘yo.”