Titiyakin muna umano ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mabuti na ang kalagayan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam bago ito dalhin sa Camp Crame o kung saan siya puwedeng ilagay na custodial area.
Ito ang naging pahayag ni (CIDG) director Major General Albert Ignatius Ferro matapos nitong kumpirmahing boluntaryong sumuko si Cam sa Calabarzon PNP dahil sa medical concern.
Base sa mga lumabas na report, dalawang linggo na umanong nasa ospital si Cam at naka-schedule na ito para sa lumbar spine surgery sa susunod na linggo.
Ang kanyang mga medical records ay isinumite na rin sa korte at sa mga pulis.
Noong Martes nang ilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 42 ng warrant of arrest laban kay Cam matapos iturong utak sa pagpatay kay Batuan, Ticao Island, Masbate Vice Mayor Charlie R. Yuson III.
Kasama sa mga dawit sa kasong murder ang anak nitong si Marco Martin Cam; Nelson Cambaya; Junel Gomez; Bradford Solis; Juanito De Luna at Rigor Dela Cruz.
Walang inirekomendang piyansa kay Cam at ilang indibidwal dahil sa kasong pagpatay habang P200,000 naman ang piyansa sa mga kinasuhan ng frustrated murder na isinasangkot din sa pagpatay kay Yuson noong Oktubre 9, 2019.
Sa record, nag-aalmusal ang vice mayor sa isang karinderya sa VG Cruz Street sa pagitan ng RM Boulevard at Lardizabal St., Sampaloc, Maynila nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek na kalaunan ay sinabing konektado kay Cam.
Nasugatan naman sa insidente sina Wilfredo Pineda, 44, at Alberto Alforte, 23.
Una nang ipinag-utos ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kaso kay Cam matapos nakitaan ng “probable cause” ang isinampang reklamo dahil sa pagkamatay ni Yuson.