Tiniyak ng Malacañang na magiging mabilis at mabusisi ang imbestigasyon sa korupsyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na dahilan ng pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lotto, small town lottery, at iba pang gaming schemes outlets sa buong bansa na may prangkisa at lisensya mula sa PCSO.
Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo, umuusad na sa ngayon ang imbestigasyon para matukoy kung sino-sino ang sangkot sa katiwalian na tinawag pa ni Pangulong Duterte na grand conspiracy.
Ayon kay Sec. Panelo, sa lalong madaling panahon ay matatapos ang imbestigasyon pero habang ginagawa ito ay pansamantala munang suspendido ang operasyon ng lotto, STL, peryahan ng bayan at iba pang gaming schemes.
Samantala, inihayag naman ni Sec. Panelo na makakatanggap pa rin ng tulong ang mga kababayan nating humihingi ng tulong mula sa PSCO sa kabila ng pagpapatigil sa operasyon nito.
Handa daw saluhin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at Office of the President ang mga kababayang humihingi ng tulong sa PCSO.
“Sabi nga ni Presidente, iniimbestigahan niyang maigi para malaman niya at matukoy niya kung sino yung mga involved at i-a-identify niya lahat sa lalong madaling panahon. Until such time na hindi pa natatapos ang imbestigasyon, sarado muna lahat,” ani Sec. Panelo.
“Si Presidente naman mabilis, eh. Kita mo mabilis agad yung order niyang ipasarado.”