CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatitiyak umano ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi malulugi ang gobyerno sa mga pinasok nitong mga transaksyon kaya pansamantala ipinapatigil ang lahat ng legal gambling games sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa bansa.
Ito ang paliwanag ni Sen. Christopher “Bong” Go nang matanong ng Bombo Radyo kaugnay sa kautusan ni Duterte sa PCSO gambling games closure.
Inihayag ni Go na pinasisilip at pinaiimbestigahan na ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga pinasok na transaksyon ng ahensiya upang matukoy kung gaano kalawak ang umano’y nangyayaring kurapsyon sa ahensiya.
Dagdag ng kalihim na hindi rin nito mabatid kung magkaroon ng mga pagsibak sa PCSO officials kung lalabas na mayroong mga anomaliya.
Magugunitang ikinagulat ng PCSO at ng publiko ang kautusan ni Duterte na ipatigil muna ang lahat ng gambling games dahil sa akusasyon ng katiwalian.