KORONADAL CITY – Umaabot sa mahigit 8,000 STL at lotto outlet workers sa mga lalawigan ng North Cotabato at South Cotabato ang nawalan ng trabaho matapos ang pagpapasara ng mga lotto outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sang-ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y matapos sinabi ng Pangulong Duterte na ang dahilan ng kaniyang mandato ay dahil sa malawakan umanong kurapsyon sa naturang ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Col. Joel Limson, provincial director ng South Cotabato PNP, nagpapatuloy ang kanilang closure operations sa mga STL at lotto outlets sa probinsya.
Sinabi naman ni P/Maj. Joseph Forro, hepe ng Banga PNP, nasa 179 STL outlets at dalawang lotto outlets na ang kanilang naipasara sa kanilang area of operation.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang kaguluhan sa naturang operasyon kung saan wala umanong naabutan na mga kasapi ng outlets ang kapulisan sa naturang crackdown.