-- Advertisements --

NAGA CITY – Agad sinuyod ng pulisya ang lahat gaming outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Naga City, Camarines Sur matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa mga operasyon nito.

Pero bigong makakita ang Naga City Police ng bukas na Lotto, Keno at small town lottery (STL) outlets sa siyudad.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Sen. Master Sgt. Tobias Bongon, tagapagsalita ng Naga City PNP na maagang kumilos ang kanilang hanay nitong araw, batay na rin sa utos ng police director ng lungsod.

Kinumpirma naman ng STL operations head na si Leo Santos ang pansamantalang suspensyon ng kanilang operasyon sa siyudad matapos makatanggap ng utos mula rin sa kanilang pamunuan.

Maayos naman daw nilang inabisuhan at mga empleyado at parokyano ng STL.

Batay sa ulat, 30 empleyado ng isang Even Chance Gaming Corporation at higit 400 iba pa ang nagpapataya sa lungsod ang apektado ng kautusan ng pangulo.

Inaasahan din daw na damay ang mga programa ng PCSO sa Naga City.