Handa ang Philippine Charity Sweepstakes Office na gamitin ang sabong upang ibalik ang mawawalang kita sa gobyerno dulot ng ipinatupad na total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Sa budget briefing ng PCSO sa Kamara ngayong araw, hinamon ni Deputy Speaker David Suarez ang PCSO na humanap ng “innovative” o makabagong paraan upang mabawi ang revenue loss na sa pagtaya ng Bureau of Internal Revenue ay aabot sa sampung bilyong piso.
Bukod pa ito sa dalawampu’t limang libong Pilipinong manggagawa na mawawalan umano ng trabaho dahil sa pagsasara ng POGO.
Sinabi ni Suarez na dahil hanggang ngayon ay laganap pa rin ang online gambling o e-sabong at hindi magawang ipatigil, maaaring idaan umano sa “proper policies”, safety nets at batas ang operasyon ng remote cockfighting o sabong.
Sa ganitong paraan ay maipo-promote ang in-cockpit betting at masusugpo ang pagsusugal online.
Sagot ni PCSO Chairman Felix Reyes, kung aatasan sila na gawin ito, posible na makalikom ng kita ang gobyerno sa pamamagitan ng charity cockfighting.
Binanggit ni Reyes ang Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974 kung saan may probisyon na nagsasaad ng cockfighting para sa charity purposes na kung mapag-aaralan ay posible umanong isakatuparan ngunit sa local scope.
Dagdag pa ng PCSO, batay sa datos ay nasa 789 ang aktibong ilegal na nag-o-operate ng e-sabong sa bansa.