Binigyang-diin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na magiging malaki umano ang epekto ng tigil-operasyon ng Lotto, Small Town Lottery, Keno at Peryahan sa mga beneficiaries ng tulong mula sa ahensya.
Sa kanilang video statement, sinabi ng mga PCSO officials na suportado nila ang anti-corruption drive ng gobyerno pero nakiusap na huwag naman sanang madamay ang buong operasyon ng opisina.
Humihirit din ang pamunuan ng PCSO ng dayalogo kay Pangulong Ridrigo Duterte.
Kukumbinsihin daw nila ang pangulo na muling pag-aralan ang kanyang pasya na ipatigil ang operasyon ng gaming operations na pinangangasiwaan ng PCSO.
“The PCSO shall appeal to the Office of the President for the resumption of the conduct of all games to PCSO’s mandate and for the interest of the PCSO, its agents, and its beneficiaries,” wika ni PCSO General Manager Royina Garma sa isang Facebook video.
Para sa mga players na bumili ng advance play tickets para sa PCSO games, sinabi ni Garma na dapat daw muna nila itong itago hanggang sa maglabas silang muli ng abiso.
“Pursuant to the order of the President suspending PCSO’s gaming activities, the PCSO board directs compliance to said instruction until further notice.”
Sinasabing malaki ang mawawalang income sa gobyerno dahil sa agarang pagtigil sa operasyon ng PCSO sa kanilang gambling operations.
Aabot kasi sa halos P32 billion ang kinikita mula sa lotto, P4 billion mula sa Keno, P26 billion mula sa STL, P4 million mula sa Traditional Sweepstakes at P1.1 billion mula sa Instant Sweepstakes.
Sa kabuuan, aabot ito sa P63.5 billion ang pumasok na kita noong 2018, habang P52 billion naman noong 2017.
Pero tiniyak ng Malacanang na hindi ito makaka-diskaril sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas malaki pa ang mawawala sa korapsyon kung hindi ihihinto ang mga aktibidad sa PCSO.
Samantala, ilang kongresista nagpahayag ng suporta sa naging pasya ng Pangulo.
Ayon kay House Minority Leader Benny Abante, marapat lamang na maging pursigido ang pamahalaan laban sa sugal, na itinuturing daw niya bilang isang uri ng korapsyon hindi lamang pagdating sa pera kundi maging sa moral ng isang tao.
Bagamat suportado niya ang naging desisyon ng Pangulo sa STL at Lotto, sinabi ni Abante na nababahala naman daw siya para sa mga operators na hindi naman sangkot sa issue ng korapsyon.
Naniniwala naman si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kasunod ng naging hakbang ng Pangulo ay magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa gaming schemes sa bansa.
Ito ay hindi lamang aniya para matiyak na walang korapsyon dito, kundi para matukoy din ang impact sa ekonomiya at programang pinopondohan ng PCSO.