Iniimbestigahan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang umano’y pag-hack ng kanilang social media page matapos mag-post ng mga malalaswang larawan sa internet.
Ayon kay PCSO general manager Melquiades Robles, kaagad nilang tinake-down ang post nang ito ay kanilang makita.
Sinabi ni Robles na hindi sila sigurado kung na-hack nga ang kanilang account.
Tiniyak pa niya sa publiko na huwag mag-alala dahil iba ang sistema ng lottery sa ginagamit nila para sa kanilang social media page.
Aniya, walang nakompromiso ang vital data dahil ginagamit lamang ang page para sa information dissemination.
Sa ngyayon ay hinihintay na lamang ng PCSO ang mga ulat at karagdagang impormasyon upang matukoy kung ano tunay na nangyari sa kanilang social media page.