Itinanggi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ang napaulat na na-hack umano ang personal details ng lotto winners.
Sa isang statement, tinawag ng opisyal ito na fake news. Aniya, walang nakompormiso o na-hack na sensitibong impormasyon mula sa kanilang websites o database.
Binalaan din niya ang publiko na mag-ingat sa fake news para makalikom lang ng views.
Bagamat maraming pagtatangka aniya sa nakalipas para i-hack ang kanilang sistema, nananatiling matatag ang kanilang digital defenses at hindi matitibag.
Pinabulaanan din ni Robles ang online news report na nagsasabing iniimbestigahan ng PCSO at DICT ang umano’y data breach sa lotto winners.
Saad ni Robles na ang naturang news report ay mula sa umano’y grupo ng hackers na tinatangkang gumawa ng pangalan sa pamamagitan ng pag-breach sa sistema ng PCSO.
Subalit iginiit ng PCSO General manager na wala sa kanilang accounts ang nakompormiso.
Sa kumalat kasi na post mula sa FB page na Philippine Exodus Security, sinabi dito na nakompormiso umano ng hackers ang personal information ng lotto winners kabilang ang kanilang mga pangalan, address, phone numbers, IDs at winning numbers.
Subalit sinabi naman ni Robles na maaaring ang nakuha ng hackers ay ang email accounts ng mga empleyado ng PCSO mula sa Cagayan branch. Ang mga ito ay listahan ng mga indibidwal na nag-avail ng promo sa nasabing branch noong Marso 2022 at hindi mga pangalan ng mga nanalo sa lotto.
Giit pa ni Robles na ang kanilang database para sa lotto jackpot winner ay safe sa kanilang head office at ang kanilang branch offices ay hindi konektado sa head office.