-- Advertisements --

Kinondena ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nangyaring pamamaril kahapon sa kanilang board secretary at driver nito sa lungsod ng Mandaluyong.

Una rito, habang sakay ng kulay puti na Mitsubishi Strada si Atty. Wesley Barayuga ay pinagbabaril ng hindi pa matukoy na salarin na sakay ng motorsiklo sa bahagi ng Calbayog St., ng Barangay Highway Hills.

Binawian kaagad ng buhay ang dating heneral ng PNP habang naisugod pa sa pagamutan ang kanyang driver na si Jojo Gunao na tinamaan din ng bala.

Ayon kay PCSO general manager Royina Garma, patuloy ang kanilang koordinasyon sa Mandaluyong City PNP upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente.

“The incident is currently under investigation. The Security Office of PCSO is closely coordinating with the Philippine National Police in Mandaluyong City to immediately identify the persons behind the attack so that justice will be served,” wika ni Garma.

“With sadness, PCSO extends it’s deepest condolences to the bereaved family of Atty. Wesley A. Barayuga, our colleague, friend and family,” dagdag nito.

Samantala, sinabi ni Mandaluyong Chief of Police, Col. Hector Grijaldo na hawak na nila ang CCTV footage.

Ilan sa mga tinitingnang motibo ng pulisya ay personal na galit at trabaho.

Sinisilip din daw ang posibleng nakaaway ni Barayuga noong ito pa ay hepe ng Iloilo City police.