DAGUPAN CITY – Tahasang pinasaringan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang lahat ng operator lalo na ang Regional director ng Globaltech Mobile Online Corporation o peryahan ng bayan na mula sa Region 2 dahil sa ma anomalya nitong operasyon.
Ayon kay Major Manuel Fraginal Sr, Executive Assistant VI at Chief ng Nationwide Inter-Branch Security Monitoring ng PCSO, iligal ang operasyon nito dahil wala silang authority to operate na pinirmahan ng General Manager ng PCSO.
Hindi rin umano nagbabayad ng buwis at ang tanging nakikinabang lamang sa iligal nilang operasyon ay ang mga walang pusong pulitiko maging ng mga law enforcement agency na pumoprotekta sa kanila.
Pakiusap naman ng opisyal sa publiko lalo na sa mga Pangasinense na huwag tangkilikin ang mga iligal na operasyon kasabay ng paalala na tanging ang small town lottery (STL) lamang ang tanging ligal.
Panawagan ni Fraginal sa lahat na suportahan sana ng mga residente ang kanilang mga produkto dahil dito aniya ang pinagmumulan o pinagkukuhanan ng pondo para sa mga mamamayan na may sakit.