-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Malaki umano ang pagkakaiba ng isinagawang Christmas Party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong taon, kung ihahambing sa mga nakasanayang engrandeng okasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCSO Board Member Sandra Cam, sinabi nito imbes umanong gamiting panggastos sa hotel ang malaking halaga, ipimahagi na lamang ito sa mga empleyado.

Aniya, mas magiging makabuluhan ang naturang halaga kung iaabot na lang sa mga empleyado at magamit sa salo-salo sa pasko at bagong taon.

Nag-ikot din umano ang ilang tauhan ng PCSO sa Bicol upang tumulong sa mga nasalanta ng magkasunod na Bagyong Tisoy at Ursula.

Matatandaang inulan ng isyu si dating PCSO General Manager Alexander Balutan sa engrandeng Christmas party noong 2017 na inabot daw ng P6.3 million ang gastos ng pamahalaan.