Bukas ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa anumang gagawing imbestigasyon hinggil sa alegasyon na umano’y may isang indibidwal na 20 beses nang nanalo sa lotto.
Ayon sa gaming agency, dumaan sa tamang proseso ang lahat ng ginagawang pagbola sa lotto.
Muli rin nitong iginiit na walang nangyayaring pagmamanipula sa mga nagiging resulta nito.
Ginawa ng PCSO ang pahayag matapos na banggitin ni Senador Raffy Tulfo ang tungkol sa isang indibiduwal na maka-ilang ulit na nanalo sa lotto at hindi ay sa magkakasunod na pagkakataon.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles marahil ay mali lamang ang naging interpretasyon ng senador sa naturang isyu.
Sinabi ng opisyal na ang naturang indibidwal na tinutukoy ng mambabatas ay hindi nanalo ng jackpot prize kundi ito ay isang regular Lottery Games.
Ito aniya ay isang digit games na mas mababa ang premyo.
Nilinaw pa ni Robles na walang ni isa ang nanalo ng mahigit isang bes sa mga lotto game kagaya ng 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55, at Ultra Lotto 6/58 .