Magtutulungan na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Philippine Statistics Authority (PSA) upang mapabilis ang pagbibigay ng civil registry documents, registration, at iba pang serbisyo sa mga mahihirap.
Una rito ay pumirma ang dalawang ahensiya ng isang memorandum of agreement bilang commitment para sa pagpapabilis ng serbisyo para sa mga mahihirap na nangangailangan ng naturang mga dokumento.
Sa ilalim ng kasunduan, ang PCUP ay maglalaan ng akmang mga logistics support, venue, at mga kagamitan para masuportahan ang mga programa ng PSA para sa mga mahihirap.
Sa panig naman ng PSA, magbibigay ito ng mga technical assistance sa mga programa ng PCUP.
Ayon sa PSA, nakahanda itong magbigay ng tulong para maserbisyuhan ang mga nasa vulnerable sector at matiyak na maprotektahan ang kanilang identity mula kapanganakan hanggang kamatayan.
Magiging epektibo naman ang naturang kasunduan sa loob ng apat na taon (2024-2027) at sasailalim sa mandatory review bago magkaroon muli ng renewal.
Sa naturang review ay tutukuyin ang mga kailangang adjustment, at progreso ng serbisyo.