BAGUIO CIY – Umaapela na ng tulong sa mga kinauukulan ang pamilya ng isang anti-narcotics agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula Mountain Province na nawawala pa rin matapos ang sinasabing pagdukot dito nitong June 25.
Nakilala ang pinaniniwalaang biktima ng kidnapping na si PDEA Investigation Agent Officer 1 Merton T. Fesway, 38-anyos mula Bontoc, Mountain Province na nakadestino sa provincial office ng PDEA sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa impormasyon, dinukot umano ng mga state agents si Fesway sa labas mismo ng opisina ng PDEA sa Angeles City.
June 28, sumulat ang isang abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) kay PDEA Region III Director Christian Frivaldo, para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkawala ng isa sa mga operatiba nito.
Sinabi naman daw ng abogado ng PAO kay Frivaldo na lahat ng mga police stations sa Angeles City, kasama na ang Angeles City Drug Enforcement Unit, Mabalacat at Dau police stations, ay nag-abiso na sa pamilya ni Fesway na wala sa kanilang kustodiya ang nawawalang agent.
Ipinaabot naman ng Angeles City Prosecutor’s Office sa PAO na walang kaso na naisampa laban kay Fesway mula ng sinasabing pagdukot dito hanggang noong June 29.
Sa ngayon, umaasa ang pamilya na matatagpuan ang nawawala nilang kaanak.