-- Advertisements --

AMLAC5

Isinilbi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Customs (BOC) ang freeze order laban sa dalawang umano’y drug money launderers batay sa inilabas na direktiba ng 5th Division ng Court of Appeals (CA) noong May 27, 2021.

Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva naglabas ang korte ng freeze order laban sa assets ni Julie Hao Gamboa, alias Kimberly; at sa mag-asawang Ruben at Teresita Taguba.

Sakop sa nasabing freeze order ang 173 credit accounts, insurance policies, 17 properties; at limang motor vehicles ng mga suspects.

Pinangunahan ng mga opisyal ng PDEA sa pamumuno ni DG Villanueva, AMLC Executive Director Atty. Mel Georgie Racela at BOC Deputy Commissioner Raniel Ramiro ang pagpaskil sa notices of freeze order sa real properties ng dalawang suspeks na may conservative market value ng nasa P70 million dito sa Quezon City.

Magugunita na noong March 22, 2019, nasa 276 kilos ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P1.8 billion ang nasabat ng PDEA at BOC sa Manila International Container Port (MICP).

Ang nasabing mga iligal na droga ay nakasilid sa tea packs galing Vietnam.

Noong May 31, 2019, nagsampa ng kaso ang PDEA sa DOJ laban kay Xu Zhi Jian, alias Jacky Co, isang Chinese national, at 16 iba pa.

Si Xu Zhi Jian ang siyang may-ari ng shipment ng nasa P1.8 billion shabu at si Julie Hao Gamboa naman ang kaniyang kasabwat.

Habang si Ruben Taguba ay dating Custom Police Officer at ama ni Mark Taguba na iniimbestigahan din dahil sa pagkakasangkot nito sa shipment ng 602 kilos na shabu na nakumpiska sa warehouse sa Valenzuela City nuong May 2017.

Ang nakakatandang Taguba ay mayroong 21 properties na nakarehistro sa kaniyang pangalan at mayroon ding 21 different bank accounts.