-- Advertisements --

Binigyan na ng taning ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga illegal drug groups na nagtatago ng kanilang pera sa mga bangko dahil sa panibagong hakbang na susugpo sa mga ito.

Nitong araw nang lumagda ng kasunduan ang PDEA at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magbibigay daan sa pagsisiyasat ng bank accounts na pinaghihinalaang mula sa mga drug syndicates.

Naniniwala si PDEA director general Aaron Aquino na gumagawa ng paraan ang ilang drug groups para hindi makwestyon ang perang kanilang kinikita sa iligal na gawain.

“Drug lords hide their profits to make it appear they were acquired through legitimate means,” ani Aquino.

Para naman sa AMLC, malaking bagay na makakatulong ang kanilang konseho sa kampanya ng pamahalaan.

“Nagcau-cause kami ng freezing ng bank accounts. Natatanggal natin sa mga drug syndicates ‘yung mga pera na ito para gamitin nilang capital sa kanilang drug trafficking business,” ani Atty. Mel Racela ng AMLC.

Sa ilalim ng memorandum of agreement, nagkasundo ang dalawang tanggapan na magtulungan sa pamamagitan ng information sharing at pagsasaliksik.

Bubuo rin ang dalawang tanggapan ng mga hakbang para labanan ang money laundering activities na nauugnay sa iligal na droga.