Nagkaroon na umano ng masinsinang pag-uusap sina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Dir. Gen. Aaron Aquino at NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ukol sa paghahabol sa mga pulis na tinaguriang ninja cops sa Metro Manila.
Ayon kay Usec. Aquino nagkasundo umano sila ni Gen. Eleazar na paigtingan pa ang kampanya sa mga pulis na siyang nasa likod sa pag-recycle sa mga shabu na nakukumpiska.
Una nang tinukoy ng PDEA ang anim na mga ninja cops na nagmula sa Western Police District (WPD) na siyang nagbibigay proteksiyon sa isang politiko na binansagang drug queen.
Ang naturang drug queen na itinuturing ng PDEA na matinik ay nagtatago umano ngayon sa ibang bansa.
Kinumpirma rin naman ni Gen. Eleazar na ang dalawa raw sa ninja cops ay patay na at ang isa naman ay AWOL.
Ang tatlong iba pa ay hindi pa matukoy kung aktibo pa.
Nagbabala na lamang ang PDEA chief sa mga kapulisan sa probinsya dahil doon umano naglipatan ang ibang mga ninja cops at nagtayo na rin ng sariling iligal na operasyon.